Tuesday, January 6, 2009

Pangungulila

Isang malamig na gabi
nang ang pag-ibig sa akin ay lumisan
ito ay nagkubli sa hanging amihan

at sa kanyang pagbabalik
alam kong siya ay magbabalik
ako ay muling iibig sa kanya

sa kanyang pagbabalik
hindi ako kailanman mapapagod
patuloy akong iibig sa kanya

Kisaeng

Sa aking pagsasayaw
ibig kong maibigan ng mga tao
ibig kong mapasaya ang mga tao
at sa aking pagsasayaw
batid kong makakamit ko ito

Malaya akong makasasayaw
na gaya ng isang buhangin
parangap ko ang isang mundo
kung saan ang lahat ay malayang nakasasayaw
isang mundo na puno ng musika
isang mundo na puno ng pagmamahal

Sa bawat kumpas ng aking mga kamay
sa bawat pitik ng aking mga daliri
at sa bawat galaw ng aking katawan
ibig kong maalala ako ng mga tao
bilang masayahin at puno ng pag-asa
at sa aking pagsasayaw
makikilala ako ng mundo.

Tayo Na Ba?

“Mahal kita!”, sabi ko
“Mahal din kita”, sabi mo
Tanong ko, tayo na ba?

Pinatawa kita
Napahalakhak ka
Tanong ko, tayo na ba?

Nakita kitang umiiyak
Nilapitan at pinatahan kita
Tanong ko, tayo na ba?

Niyakap kita
Nayakap mo rin ako
Tanong ko, tayo na ba?

Hinalikan kita
Hinalikan mo rin ako sabay ngiti
Palagay ko, tayo na nga.

Gusto Ko Lagi Akong Bata

Gusto ko lagi akong bata
may layang nakapaglalaro
buong liksi na nakatatakbo
at nakikipaghabulan sa sikat ng araw

Gusto ko lagi akong bata
mabilis na nakaaakyat sa mga puno
malayang nasasabi ang gusto kong sabihin
at malayang nakakausap ang malamig na hangin

Gusto ko lagi akong bata
laging pinupuri sa pangit kong drowing
laging pinapakain nina nanay at tatay
at nakakalaro sina kuya at ate

Gusto ko lagi akong bata
isang bata na puno ng pangarap
isang bata na laging masayahin
isang bata na puno ng pag-asa

Gusto ko lagi akong bata
walang responsibilidad na mabibigat
lahat ng trabaho ay magaan
lahat ng tao ako’y kinaiibigan

Gusto ko lagi akong bata
Isang bata hindi na kailanman tatanda
Ngunit paanong hindi tatanda ang isang bata
Kung noon pa man ay hindi na kinalinga?

Rosas

Kahawig ng rosas
ang lahat ng mga bagay
na nagbibigay galak
sa puso ninuman

Kaparis ng rosas ang lahat ay may tinik
Nagdudulot ng hapdi maging lumbay at sakit

Mahiwaga ang rosas
nakabalot anong lambing
maging pusong nahimlay
kaya nitong gisingin

Tunay ngang mahiwaga hated nito’y anong galak
Kahit ito’y kulay itim tunay itong mabusilak

Kahawig mo’y isang rosas
namumukod tanging bulaklak
sa taglay mong halimuyak
hinilom mo yaring sugat.

Ilayo Mo Ako Sa Mga Ulap, Itay

Itay, pagmasdan mo ang mga ulap
Para silang robot sa kanilang paggalaw
Napakatuwid, itay
Alam na ba nila ang kanilang pupuntahan?
Saan kaya sila pupunta? Alam mo ba, itay?

Malaya ba silang nakapupunta kahit saan nila naisin?
Lahat siguro ng malalayong lugar, kanilang nararating
Gusto ko rin maging ulap itay
Gusto kong makapunta sa mga malalayong lugar
Sana nga isa nalang akong ulap, itay

Itay, tingnan mo ‘yong isang ulap
Bakit kaya siya tumigil?
Parang gusto niyang bumaba
Gusto rin kaya niya ang buhay sa ibaba?
Baka naman pagod na siya sa kanyang paglalakbay

Itay, pagmasdan mo ang mga ulap
Bakit lahat sila ay tumigil?
Mayroon bang nagpapatigil sa kanila?
Sino naman kaya, itay?
Akala ko ba malaya sila?

Itay, pakinggan mo ang mga ulap
Hindi mo ba sila naririnig?
Bakit sila umiiyak?
Napagalitan siguro sila kay Bathala
Bakit itay? May ginawa ba silang hindi tama?

Ayoko nang maging ulap, itay
Ayokong mapagalitan kay Bathala
Gusto ko ikaw lang ang kasama ko
Gusto ko ikaw lang ang kalaro ko
Ilayo mo’ko sa mga ulap, itay.

Tunay na Pag-ibig

Pag-ibig ni kuya
may awit, may kiling
may tuwa, may himig
may saya at dating

Pag-ibig ni ate
kung ito’y ihahambing
sa pag-ibig ni kuya
‘di malayo ganoon din

Pag-ibig ng kaibigan
matapat, maaasahan
laging mananatili
at ‘di ka iiwan

Pag-ibig ni itay
astig! Palaban
kung minsa’y tahimik
ngunit laging nariyan

Pag-ibig ni inay
ay namumukod tangi
‘pagkat pag-ibig niya
ilaw na may ngiti

Subalit may higit
sa lahat ng nabanggit
ang pag-ibig ng Diyos
na walang kaparis

Tunay ang pag-ibig
ng Panginoong Hesus
sa’ting kasalanan
tayo ay tinubos

Gaano man kadumi
ang bawat isa sa’tin
handa niyang gawin lahat
nang kalinisa’y mapasatin

Ganyan ang pag-ibig
ng Panginoong Hesus
napakadakila
at tunay ngang lubos.